Babaeng nambato ng humidifier sa mall sa Cebu, hindi pinyansahan ng pamilya

Tumanggi ang pamilya ni Medelina Yamazaki na piyansahan ang ginang na naaresto dahil sa pananakit nito sa isang sales assistant sa isang mall sa Cebu, base sa ulat ng SunStar Cebu.

Ayon kay Chief Investigator Jeffrey Larrobis ng Mabolo Police Station, nais ng pamilya ni Yamazaki na sumailalim ang babae sa psychiatric eveluation.

Hindi rin daw nag file ng counter-affidavit at right to preliminary investigation si Yamazaki bago ang inquest proceeding.

Naipagbigay alam na rin ni Larrobis sa pamilya nito na naisampa na sa korte ang kaso laban kay Yamazaki.

Napag-alaman din ni Larrobis na nakaranas umano ng pangmamaltrato si Yamazaki noon ayon sa pahayag ng mga kaanak nito.

Nakararanas din umano ito ng postpartum depression matapos manganak.

Sabi ni Larrobis, hiniling ng pamilya ni Yamazaki na ilipat ito sa isang psychiatric facility.

Ngunit paglabag daw ito sa legal procedure, hindi kasi maaaring ilabas ang isang taong naaresto kung walang order mula sa prosecutor o korte.

Sa kaso ni Yamazaki, kinakailangang magpiyansa muna ito bago ito palabasin mula sa detention cell.


At kung patuloy na tumanggi ang pamilya nito ay hihingi na raw ang mga pulis ng commitment order mula sa korte para ilipat sa Cebu City Jail si Yamazaki.

Matatandaang nagviral ang ginang matapos itong makuhanan ng video habang nagwawala sa isang mall sa Cebu.
Powered by Blogger.