YouTube channel nina Tekla at Donita Nose, mayroon nang 400,000 subscribers



Masayang inanunsyo ng "Donekla in Tandem" na umabot na sa 400,000 ang YouTube subscribers nila ngayong araw Oktubre 24.


Ang "Donekla in Tandem" ay binubuo nina Super Tekla at Donita Nose na pawang mga kilalang komedyante ng GMA.


Nalaman ng Trending Bytes na ibinahagi nila ang kanilang pasasalamat sa kanilang Facebook page.


Halos hindi raw sila makapaniwala na sa kabila ng kontrobersiya na kinakaharap ni Tekla ay mas lalo pa raw ang nagmahal at nagtiwala sa kanila.


"Salamat sa pagmamahal, pagtitiwala, pasuporta sa amin, hindi namin inakala na mas lalong dumami nagmahal, yumakap, nagtiwala sa amin," ang bahagi ng kanilang post.




Labis-labis ang pasasalamat ng dalawa sa mga mahal nilang katandem na mas lalo raw silang pinagtibay sa panahon ng pagsubok.


Kamakailan ay binulabog ang showbiz industry matapos na dumulog ang live-in partner ni Romeo Librada o mas kilala bilang si Super Tekla sa programa ni Raffy Tulfo.


Inakusahan umano ni Michelle Lhor Bana-ag ang kinakasamang si Tekla ng pang-aabuso sa kanya at tila nadamay pa ang kanilang anak.



Hindi man agad na nakapaglabas ng pahayag ang akusadong komedyante, agad naman siyang dinipensahan ng malapit niyang kaibigan na si Donita Nose gayundin si Ogie Diaz na nakapanayam din ni Tulfo sa kanyang programa.


Pinabulaanan nila ang mga paratang ni Michelle kay Tekla na maging sila ay nagulat gayung mas kilala nila ang komedyante.


Si Tekla ay isa sa mga kilalang komedyante ng GMA. Mas nakilala siya sa programang "The Boobay and Tekla show." Sa ngayon, patok sa mga netizens ang YouTube channel nila ni Donita Rose.

Powered by Blogger.