Bagyong Vicky, palabas na ng bansa; Bagong bagyo, namataan



Papalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ngayong araw, Disyembre 20 ang Bagyong Vicky na nagdulot din ng pinsala, pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang panig ng bansa.


Ayon sa ABS-CBN News, tinatahak na ni Vicky ang West Philippine Sea at tuluyan nang lilisanin ang bansa ngayong Linggo ng hapon.


Sa ulat ng UNTV Biyernes, Disyembre 18 nang pumasok sa PAR si Vicky na ika-22 bagyo na dinanas ng bansa.


Tulad ng Bagyong Ulysses, nag-iwan ng matinding pinsala ang Bagyong Vicky sa ilang bahagi ng Pilipinas.


Marami rin sa mga kababayan natin tulad ng mga nasa Agusan del Sur ang nalubog sa matinding pagbaha. Ilang mga kabahayan ang inabot hanggang sa bubong ang tubig kaya naman putikan at nasira ang ilan sa kanilang mga ari-arian.


Patuloy naman ang pagdating ng tulong sa mga lugar na nadaanan ng Bagyong Vicky ayon sa Radyo Pilipinas.


Samantala, sa paglabas ni Vicky, namataan naman ang isang low pressure area na may layong 140 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes. Malaki ang posibilidad na maging isang ganap na Bagyo ito sa loob ng 24 oras.


Maaring tamaan ng bagong bagyo ang Cagayan Valley, Kalinga Apayao, Mountain Province, Ifugao, Aurora, Quezon at Bicol region, hilagang bahagi ng Palawan kasama na ang Calamian Islands at Kalayaan Islands.


Makararanas din ng pag-ulan ang Metro Manila, Babuyan Islands, Northern Samar, ang natitirang bahagi ng Cordilleras, Central Luzon, Calabarzon at Mimaropa.

Powered by Blogger.