Kaanak ng mag-inang Gregorio, ibinahagi kay Raffy Tulfo ang kwento sa likod ng alitan



Nakapanayam ni Raffy Tulfo sa kanyang programang 'Wanted sa Radyo' ang dalawa pang anak ni Sonya Gregorio, isa sa biktima ng pamamaslang ng pulis sa viral video na si Jonel Nuezca.


Nalaman ng KAMI na matagal na umanong may sigalot ang dalawang panig dahil sa usapin sa lupa na may kaugnayan sa unang naibalitang dahilan ng pag-aaway na 'right of way.'


Ayon kay Tasha Delos Santos, anak ni Sonya at kapatid ni Frank, kinasuhan umano sila ng estafa ng pulis subalit naipanalo naman nila ang kaso dahil naisauli naman ng kanilang pamilya ang P40,000 na naibayad na ni Nuezca sa kanila.


Tila iyon umano ang ugat ng galit ni Nuezca sa kanilang pamilya.


Naibahagi pa ni Tasha na minsan nang tinangka ng pulis na sagasaan ang kapatid niyang si Frank na nabaril niya sa viral video.


Nang minsan ding lasing umano ang pulis at sinugod nito si Frank saka binantaan. Naipa-blotter nila sa pulisya ang pangyayaring ito.


"Mayroon ding pong pangyayari na nakainom po siya, bigla po niyang sinugod ulit si Frank, ang sabi po niya mayayabang kayo, ganito ganyan, gusto niyong ilabas ko ang pagkademonyo ko?" salaysay ni Tasha at mayroon din daw silang video ng pangyayaring ito.


Isa rin sa mga nilinaw ni Tasha ay ang pagsasampa ng kaso ng pulis sa kanila na naganap matapos na nitong ma-refund ang perang ibinayad para sa titulo ng lupa. Iyon din ang dahilan kung bakit natalo sa kaso ang pulis dahil malinaw na walang estafa na naganap dahil naisauli ng buo ang perang ibinayad niya.


"Marami na po silang ginagawa pero hindi po kami umaaksyon... Kung makikita niyo po sa video hindi naman po lumalaban ang nanay ko at kapatid ko," emosyonal na pahayag ni Tasha na kasama rin ang isa niyang kapatid na si Neil.

Powered by Blogger.