34-anyos na mister, ibinahagi ang mga huling sandali ng 68-anyos na misis



Hindi napigilang maging emosyonal ni Danny Cortezano, isa sa mga naging panauhin ng 'Bawal Judgmental' segment ng Eat Bulaga! nitong Enero 14.


Nalaman ng Trending Bytes na pumanaw ang misis ni Danny na si Lorna Cortezano nito lamang Disyembre 29 ng nakaraang taon.


Matatandaang sina Danny at Lorna ay minsan nang nag-viral dahil sa kanilang nakakakilig na love story na sa kabila ng 34 taon na agwat nila sa isa't isa ay naging matibay ang kanilang pagmamahalan.


Kwento ni Danny, Oktubre lamang ng 2020 nang lumabas ang mga sintomas ng karamdaman ni Lorna na Gastric Carcinoma. Ang masaklap, stage 4 na ang kanser niyang ito na masasabing nagpahirap umano sa mga huling sandali ng buhay nito.



Hirap nang kumain at dumumi noon si Lorna na kahit pa na-operahan ay hindi na napigilan ang paglaki ng tumor sa katawan.


Sa loob ng dalawang buwang gamutan, aminado si Danny na umaasa pa rin siyang gagaling ang kanyang misis.


Subalit nitong Disyembre 29 ng nakaraang taon, sa kahilingan na rin ni Lorna ay namayapa na ito.


Ayon pa kay Danny, labis niyang mami-miss ang asawa niyang palangiti kanino man. Sa loob ng walong taon nilang pagsasama bilang mag-asawa at idagdag pa umano ang pitong taon nilang pagiging matalik na magkaibigan hanggang sa nahulog ang loob nila sa isa't isa, nasabi ni Danny na wala na siyang hihilingin sa kanyang misis.


At gaya nga ng mensahe nito sa kanya noong una silang naging panauhin ng 'Bawal Judgmental' noong 2019, minahal siya nito hanggang sa wakas.

Powered by Blogger.