Flight attendant na si Christine Dacera, naihatid na sa huling hantungan



Naihatid na sa huling hantungan ang mga labi ng flight attendant na si Christine Angelica Dacera ngayong umaga ng Enero 10.


Nalaman ng Trending Bytes na bukod sa pamilya ay may ilang malalapit na kaibigan na sumamang maghatid sa kay Christine sa Forest Lake Memorial Park sa General Santos City.


Isang araw bago ang kanyang libing, isinagawa naman ang ikalawang autopsy sa kanyang labi na pinangunahan ng National Bureau of Investigation.


Kumuha umano ang forensic team ng NBI ng tissue samples kay Dacera upang matukoy ang dahilan ng kanyang pagkamatay.



Ayon din sa NBI, nasa kanila na ang mga pangalan ng mga taong nasa room 2207, ang isa pang silid na umano'y pinupuntahan din ni Christine ilang oras bago siya natagpuang walang buhay.


Kasama na umano ang mga taong natukoy na ito mula sa room 2207 sa inimbitahan ng NBI sa Enero 11 upang magbigay salaysay ukol sa mga huling sandali na nakasama o nakita nilang buhay si Dacera.


Samantala, hustisya naman ang hiling ng ina ni Christine na si Sharon Dacera bilang mensahe niya sa libing ng anak.


"Ipagpapasa-Diyos ko nalang sila, yung lang po muna. Ipanalangin niyo po na magkaroon ng justice ang soul ng aming Christine Angelica..." ang pahayag ng ina ni Christine.


Pinasalamatan din niya ang media na naroon at sa patas ng pagbabalitang kanilang inihahatid sa publiko.


"We are praying for the justice of our baby Ica, Beautiful Christine, maraming salamat po to the people who are only giving right news at tamang balita, maraming salamat."


Narito ang ilang mga kaganapan sa libing ni Christine Dacera mula sa News5.

Powered by Blogger.