JaMill, nadagdagan pa ng 100,000 subscribers sa YouTube sa kabila ng kontrobersiya



Lalong lumaki at nadagdagan pa ang bilang ng YouTube subscribers nina Camille Trinidad at Jayzam Manabat sa kanilang channel na "JaMill".


Nalaman ng Trending Bytes na mula 12.2 million subscribers nitong nakaraang linggo nadagdagan na ang kanilang mga "Mandirigma" ng 100,000 na bagong subscribers.


Ito ay sa kabila ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng dalawa kaugnay sa mga umano'y pambababae ni Jayzam, hindi lamang isa kundi makailang beses.




Isa rin sa mga ito ay ang graphic designer na hindi na nagawang balikan pa ni Jayzam gayung nakapagpagawa na siya ng designs para sa ilang mga merch ng 'JaMill.'


At kamakailan, dumulog pa sa programa ni Raffy Tulfo ang hair and make-up production na umano'y hindi sinipot ng dalawa sa kanila sanang production shoot noong Enero.


Ayon sa grupo, nasa anim na oras umano silang pinaghintay ng vlogger couple sa labas ng subdivision nito.


Nakapag-public apology naman na sina Jayzam sa programa rin mismo ni Tulfo.


Sa pinakahuling vlog na inilabas ng dalawa sa kanilang YouTube channel na may pamagat na "Bagong Simula" ipinakita nila kung ano na nga ba talaga ang kalagayan nila sa gitna ng kabi-kabilang kontrobersiya.


Taliwas sa iniisip ng iba, makikitang magkasama pa rin sina Jayzam at Camille gayundin ang kani-kanilang pamilya.


Makikitang tila unti-unti nang nakakabangon ang dalawa sa mga pagsubok na dumating sa kanila sa tulong na rin ng kanilang mga mahal sa buhay.

Powered by Blogger.