Kauna-unahan sa Pilipinas? Kulay asul na lechon sa Zamboanga, ikinagulat ng mga netizens



Para sa ilan, hindi kumpleto ang handaan kapag walang lechon. Ito kasi ang pinakaespesyal sa lahat ng ihahain sa mesa. Bukod pa riyan, pinakainaabangan din ito ng marami.


Karaniwan na tayong nakakikita ng lechon na kulay brown dahil ito ang natural na kulay nito kapag luto na. Sa kintab at lutong ng balat, mahirap itong ayawan ng mga bisita.


Subalit sa Ipil, Zamboanga Sibugay, may kakaibang lechon na tumawag ng atensyon sa social media. Ito ay ang lechon na kulay asul. Oo, ilang beses mo man itong tingnan, kulay dagat talaga ito.



Ibinahagi ng seller na si Maidalyn Dingle ang mga larawan nito sa Zamboanga Peninsula Black Market FB group. Ayon sa kanyang post, puwede mo pang i-request ang kulay na gusto mo. Ibig sabihin maaari itong maging kulay pink, berde, dilaw at iba pa. Ay talaga?!


Nagulat naman ang mga netizens dahil ngayon lang sila nakakita ng lechon na kulay asul. Maski kami ay hinanap namin sa internet kung mayroon na ba nito ngunit wala kaming mahanap na kahalintulad.


Naglabas ng iba’t-ibang reaksyon ang mga netizens.


“Parang nakatatakot kainin yung lechon. Totoo yan? Para tuloy naging plastic.”



Ayon naman sa iba, nagmukha na raw itong alien o avatar. Ayon naman kay Maidalyn, style lang daw ito para maging kakaiba naman. Ngunit sinisiguro niya sa mga customers na ang lasa nito ay kaparehas lang ng ordinaryong lechon.


Mabibili ito sa halahang Php 5,500 pataas at may kasama pang freebies gaya ng cake o lamang-loob na pinaanghang.

Powered by Blogger.