Veteran entertainment editor na si Ricky Lo, pumanaw na sa edad na 75



Sumakabilang buhay na ang respetadong entertainment journalist na si Ricky Lo sa edad na 75.


Nalaman ng Trending Bytes na binawian ng buhay si Lo nitong Martes, Mayo 4 ng gabi. Sa ulat ng PEP, kinumpirma ng kapatid ni Lo na si Susan ang pagpanaw ng respetadong kolumnista.


Hiling din nitong bigyang respeto muna ang kanilang oras ng pagluluksa sa pagkamatay ng kapatid. Ayon sa ABS-CBN, bandang alas-diyes ng Mayo 4 nang bawian ng buhay si Lo dahil sa stroke.



Huling naisulat ni Lo sa kanyang "Funfare" column sa The Philippine Star ang artikulong 'The future of the industry' noong Mayo 3. At may nailathala pa rin para ngayong Mayo 5 na tungkol sa mga Thai Superstars.


Ibinahagi niya ang kanyang panayam sa TBA Studios president na si Vincent “Ting” Nebrida.


Tubong Las Navas, Northern Samar si Lo at nakapagtapos siya ng kursong AB English sa University of the East. Nagsimula siya bilang editorial assistant ng Variety magazine mula noong 1969.


Taong 1986 naman nang magsimula siyang maging regular na kolumnista ng The Philippine Star.



Mas nakilala si Lo nang maging co-host siya ng The Buzz ng ABS-CBN noong 1999. Hanggang sa naging bahagi rin siya ng Startalk ng GMA noong 2008.


Nakatanggap din siya ng kabi-kabilang parangal at pagkilala sa pagiging isang mahusay na manunulat lalo na sa patungkol sa industriya ng showbiz.

Powered by Blogger.